ANG SAMAHANG PILIPINO (BBFAA)

Tatlumpung taon na ang panahong nakalipas,
Nang ang ating kapisanan ay umusbong at natatag;
Sa bisa ng bayanihan at puspusang pagsisikap,
Ang Samahang Pilipino'y nakilala at sumikat.

Ang Samahang Pilipino ay kabilang sa dayuhan

Na dito sa Amerika'y may tungkuling ginampanan;
Sumumpa na Amerika'y mamahalin ng lubusan,
At susundin ang batas na sa bansa ay umiiral.

Ang Samahang Pilipino ay likas na matulungin,

Kung meron mang nagigipit ay lubos na kukupkupin;
Kung meron mang Pilipino na dito ay bagong dating,
Marami ang nagkukusang sa kanila patirahin.

Ang Samahang Pilipino'y may dakilang ginagawa,

Kung sakaling dumarating ang panganib at sakuna;
Sa lindol na ubod lakas ang sa bagyong bumabaha,
Tumutulong ang samahan sa ngalan ng kawang-gawa.

Marami ang mga batang mahirap sa ating bayan,

Mahirap man ngunit merong talino na tinataglay;
Kaya naman ang ginawa nitong ating kapisanan
Ay tumulong matustusan ang kanilang pag-aaral.

Ang lahat ng Pilipinong narito sa Amerika,

Lahat tayo'y magtulungan, magbuklod at magkaisa;
Kung meron mang nagigipit at mabigat ang problema,
Sa pagtulong lahat tayo ay dapat na sama-sama.

                           Cayetano G. Santos, M. D.
                           Tallahassee, Florida.

"The Filipino Association" was published inTambuli Fall 2011.